Mga magsasaka ng Rizal tumanggap ng lupa, mga makinang pangsaka mula sa DAR
(DAR photo)
Aabot sa 8.5 ektaryang lupa ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform sa 11 magsasaka sa Sitio Baliksaka, Brgy. Pinugay, Baras, rizal.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, mga agrarian beneficiaries ang nakatanggap ng certificates of land ownership award (CLOAs).
“Itong titulo na ninyo ay katunayan na kayo ay tunay na mga Filipino. Dapat pagyamanin ninyo sapagkat itong mga lupa na ito ay pwedeng ipamana sa inyong mga anak,” ayon sa kalihim.
Binigyang diin niya na pangarap ng pamahalaan na magkaroon ng progresibong buhay ang mga magsasaka.
“Sana po ay inyong pag-iingatan. Ito po ay inyong linangin, palaguin at sa susunod po kayo ay magiging mga entrepreneurs, ang mga anak ninyo ay magiging entrepreneurs. Ito po ang inyong susi sa tagumpay,” ayon kay Castriciones.
Pinuri ng benepisyaryong si Jomar Ucag, ng Barangay Pinugay sa Baras, Rizal si Pangulong Rodrigo Duterte at ang DAR para sa titulo ng lupa na iginawad sa kanya.
“Matagal ko na pong hinihintay na magkaroon ng sariling lupa at ngayon ay payapa na ang aking kalooban. Sa lupang ito, mabubuhay ko ang aking pamilya ng maayos at mapag-aaral ko ang mga anak ko,” aniya.
Sinabi ni DAR Assistant Secretary at kasalukuyang Calabarazon Regional Director Rene Colocar, na ang ipinamahaging lupain ay dating pagmamay-ari ni Juanito Bonoan.
Sinabi niya na magpapatuloy ang pagtulong ng gobyerno sa mga magsasaka sa pamamagitan ng iba`t ibang mga ayuda. Hinimok niya ang mga magsasaka na protektahan at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan sa lupa at huwag ipa-arkila ang lupa, isangla, o ibenta ang mga ito.
“Ang mga CLOA ay unang hakbang lamang patungo sa higit na suporta mula sa gobyerno. Susundan natin ang pambansang layunin ni Pangulong Duterte na mapabuti ang buhay pang-ekonomiya ng ating mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbuhos ng iba’t ibang mga ayuda sa mga pamayanan sa bukid,” ani Colocar.
Matapos ang pamamahagi ng mga titulo, isinalin ng DAR ang P288,000 na halaga ng mga makinang pansakahan sa Madilaydilay Agrarian Reform Cooperative (MARC).
Ang mga makina ay binubuo ng 1 hand tractor, 2 knapsack sprayers, 5 manual sprayers, 1 pressurized sprayer, at 2 brush cutters. Ito ay gagamitin ng 71 miyembro ng MARC sa pagtatanim ng pinya, at gulay.
“Sa pamamagitan ng mga makinang ito, ang ating mga magsasaka ay maaari nang magsaka ng mas mabilis at mas madali. Ang mga makinaryang ito ay makatutulong ng malaki sa pagbawas ng pagkalugi sa produksyon at pagtaas ng kanilang ani at kita,” dagdag ni Colocar.
Ang pagkakaloob ng mga makina sa bukid ay ipinatupad sa ilalim ng “Climate Resilient Farm Productivity Support Project” (CRFPSP).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.