COA pinagsabihan ni Sen. Bong Go na tapusin ang ‘audit process’
Pinagbilinan ni Senator Christopher Go ang Commission on Audit (COA) na kung maari ay tapusin agad ang ‘audit process’ para maresolba na ang mga isyu na may kinalaman sa mga inilabas na ‘audit reports.’
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at sa pagtatanong ni Go, sinabi ni COA Chairman Michael Aguinaldo na wala silang nabanggit sa ulat na ‘overpriced’ ang biniling medical supplies noong nakaraang taon gamit ang COVID-19 fund ng Department of Health.
Gayundin, nilinaw din ni Aguinaldo na wala sa kanilang ulat na nagsasabing nauwi sa korapsyon ang nabanggit na pondo.
Idinagdag pa ni Aguinaldo na tumugon na ang DOH sa kanilang mga rekomendasyon na nakasaad sa 2020 audit report.
Kayat hiniling ng senador na maipagpatuloy na ang audit process at ang anuman kalabasan ay isapubliko para maging malinaw ang mga alegasyon.
“Ang importante rito, aksyonan na kaagad… The faster you clear these issues, the faster we can move on … Dahil kawawa ‘yung DOH. ‘Yung iba diyan gusto lang pong magtrabaho kaya lang nagiging busy sila ngayon dahil nahusgahan na kaagad sila na mayro’ng pagkukulang… dahil dito sa COA findings,” sabi pa ni Go.
Pagtitiyak pa niya na ang administrasyong-Duterte ay naninindigan sa kampaniya laban sa korapsyon.
“If you are proven guilty of any anomaly, pasensyahan nalang tayo dahil hindi namin pinapalampas ni Pangulong Duterte ‘yan … kasuhan n’yo na kaagad. Ipasa n’yo na sa [Office of the Ombudsman]. ‘Yun naman ang trabaho ng COA, ‘yun naman po ang trabaho ng Ombudsman, ‘yun naman ang trabaho ng ating SandiganBayan. Kaya nga may kulungan tayo para ikulong ‘yung mga dapat ikulong,” bilin nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.