DAR nagtayo ng solar-powered irrigation para sa mga magsasaka ng Isabela
(DAR photo)
Binigyan ng solar power irrigation system ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasaka sa Brgy. Sinili sa Isabela.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, dahil sa naturang proyekto, hindi na kailangan ng diesel ng mga magsasaka para magkaroon ng irigasyon.
“Ang proyektong patubig na ito ay tutugon sa problema ng mga magsasaka sa matinding pagkatuyot sa tag-araw, lalo na kung mayroong El Niño phenomenon na kung saan hindi umuulan ng maraming buwan,” pahayag ni Castriciones.
Idinagdag ng kalihim na dapat samantalahin ng ahensya ang mga pagkakataong lumikha ng mga proyekto at magpatibay ng mga naaangkop na hakbang na sa kalaunan ay magpapagaan sa epekto ng climate change sa mga agrarian reform area.
“Kailangan nating bumuo at lumikha ng maraming mga proyekto na makatutulong sa ating mga magsasaka na labanan ang mga negatibong epekto ng pagbabago-bago ng klima. Dapat pangalagaan ng ating mga magsasaka ang proyektong ito dahil hindi lahat ng mga kooperatiba ay binibigyan ng mga pagkakataong tulad nito. Dapat ay maging responsable sa pamamahala nito at gawin itong produktibo para sa inyong sariling kapakinabangan at kapakanan,” pahayag ni Castriciones.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.