Ping Lacson – Tito Sotto tandem sa 2022 elections inilunsad
Pormal nang inialok nina Senator Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III ang kanilang sarili bilang presidential’at vice presidential candidates sa eleksyon sa susunod na taon.
Sa kalahating oras na programa, na ipinalabas sa ibat-ibang istasyon ng telebisyon at maging sa online channels, unang ipinakilala si Sotto at ipinalabas ang mga nahawakan niyang mga posisyon sa gobyerno.
Sinalubong siya ng kanyang pamilya at sa paglalakad niya patungo sa stage ay pinatugtong ang isinulat niyang ‘Magkaisa,’ na sumikat noong 1986 EDSA Revolution.
“Ako po ay humaharap sa inyo upang hingiin ang inyong tiwala. Tiwala na babangon muli ang bansa. Tiwala na magkakaroon muli ng pag-asa. Ang inyong matibay na paniniwala na, sama-sama ay kakayanin nating maipanumbalik ang tiwala natin sa ating mahal na bansang Pilipinas,” sabi ni Sotto.
Sa paglabas at paglalakad ni Lacson ay nagbigay ng mensahe sina Teresita Ang-See, ng Kaisa Para sa Kaunlaran at ang negosyanteng si Robina Gokongwei – Pe, na nailigtas ng senador sa mga kidnappers.
Una siyang sinalubong ng kanyang kaibigang si dating Police Sr. Supt, Michael Ray Aquino, bago ang kanyang pamilya.
“Mayroon kaming sapat na kakayahan, katapatan, at katapangan upang pamunuan ang ating bansa at upang muling bumangon sa ating pagkakalugmok,” sabi ni Lacson patungkol sa higit 80 taon na pinasamang panungkulan nila sa gobyerno ni Sotto.
Sinabi nito na sa panahon ngayon na lugmok ang bansa ay iniaalok nila ni Sotto ang kanilang sarili.
“Kailangan natin ng lider na ang tama ay ipaglalaban at ang mali ay lalabanan. Kaya naman magiging una sa ating prayoridad ang mas maigting na pagtugon sa pandemya. Marapat lamang na punan ang mga kakulangan at ituwid ang mga kamalian,” sabi pa nito.
Si Lacson ay isang independent, samantalang si Sotto ay chairman ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Inendorso naman na ang kanilang kandidatura ni dating Defense Sec. Renato de Villa, ng Reporma Party at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.