PBA: San Miguel Beer sinagasaan ng Terrafirma Dyip sa OT; Magnolia kinuryente ng Meralco
Bagamat kulang sa players, binulaga ng Terrafirma ang higanteng San Miguel Beer sa overtime, 110 – 104.
Sa unang araw ng pagbabalik ng PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga, binitbit ni Juami Tiongson ang Terrafirma sa kanyang bagong career-high na 28 puntos.
Si Tiongson ang nagbigay ng huling dalawang puntos sa pagtatapos ng 4th quarter para madugtungan ng limang minuto ang laban at nagdagdag ito ng lima pa sa overtime.
Nag-ambag naman ang mga beteranong sina Aldrech Ramos at Eric Camson, 17 at 13, para sa Dyip.
Sa kanilang pagkatalo, nabalewala ang 28 puntos ng nagbalik na si Terrence Romeo.
Samantala, sa huling laban, bumangon at gumawa ng 14 puntos ang Meralco sa huling dalawang minuto ng laro para dungisan ang kartada ng Magnolia.
May ilang segundo na lang ang natitira nang makawala si Chris Newsome sa depensa ng Magnolia para ipasok ang lay-up bago tumunog ang final buzzer at ang iskor, 95-94.
Sa unang laban, napanatili ng TnT ang kanilang malinis na kartada nang talunin ang Blackwater, 96-76, sa pangunguna ni Mikey Williams na nagtala ng 16 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.