Pumalo na sa mahigit dalawang milyong doses kontra COVID-19 ang na-administer ng lokal na pamahalaan ng Maynila mula nang mag-umpisa ang vaccination rollout noong Marso.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hanggang 6:00, Miyerkules ng gabi (September 1), umabot na sa 2,009,171 vaccine doses ang naiturok.
Ayon kay Mayor Isko, sa naturang bilang, nasa 1,265,473 ang nakatanggap na ng first dose habang 792,505 ang fully vaccinated.
Nagpapasalamat si Mayor Isko sa publiko na nakiisa at tumugon sa panawagan na magpabakuna na kontra COVID-19.
“Salamat sa inyo at pinaniwalaan ninyo yung sistema natin na marahil hindi perpekto, ang mahalaga sa akin ay nabakunahan ang higit na marami sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Mayor Isko.
“Ang importante ay lahat tayo mabakunahan sa lalong madaling panahon, at iyan ay nakamit natin dahil sa inyo, dahil sa pakikinig niyo sa akin,” dagdag ng Mayor.
Sinabi pa ni Mayor Isko na hindi lamang ekslusibo sa mga taga-Maynila ang bakuna kundi sa general public.
Available din aniya sa Maynila ang mga gamot na Tocilizumab at Remdesivir.
“Delikado po talaga ang sitwasyon natin kaya sa totoo lamang, ang pamahalaan, katulad ng pamahalaang lokal ng Maynila ay patuloy na dapat tumutugon sa pangangailangan ng tao sa loob ng pandemyang ito,” pahayag ni Mayor Isko.
“Walang ibang aasahan ang tao kung hindi ang pamahalaan,” dagdag ng Mayor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.