Gatchalian: Mga estudyante mula sa mahihirap na pamilya pabor sa ‘face-to-face’ classes
Ibinahagi ni Senator Sherwin Gatchalian ang resulta ng kinomisyon niyang Pulse Asia survey kung saan napatunayan na lubhang naapektuhan ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya ang mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya.
Ayon kay Gatchalian, sa survey na isinagawa noong Hunyo 7 hanggang 16 at may 1,200 respondents, 73 porsiyento na nais nang magbalik ang face-to-face classes ay kabilang sa Class E ng lipunan at 61 porsiyento ang mula sa Class D, samantalang 55 porsiyento naman mula sa Class ABC.
Dagdag pa ng senador, 44 porsiyento sa mga sumagot sa survey ay nais na magbukas na muli ang mga paaralan, 33 porsiyento ang hindi tiyak ang kanilang sagot at 23 porsiyento ang umayaw.
Nadiskubre din na mataas din ang bilang ng mga hindi nag-enroll noong nakaraang taon sa hanay ng mga mahihirap na estudyante.
Ibinahagi ni Gatchalian na inihain niya ang Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program para mabigyan ng ‘tutorial lessons’ ang mga hindi nag-enroll at matutukan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa Math, Language at Science.
“Ang pinsala ng mahigit isang taong pagsasara ng mga paaralan ay mas mabigat para sa ating mga magulang at mag-aaral na nangangailangan. Kailangan nating tiyaking may mga mabisang programa tayong ipapatupad upang hindi sila lalong mapag-iwanan,” ayon sa senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.