Shabu deliveries sa quarantine hotel sa Taguig City, buking sa Coast Guard
Napigilan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang magkasunod na pagtatangka ng pag-deliver ng shabu sa isang quarantine hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig City, Huwebes ng hapon (August 19).
Sa ulat ng PCG Task Group Bantay Bayanihan, 4:00 ng hapon nang dumating ang isang delivery rider at sinabing may package siya para sa isang naka-isolate na returning overseas Filipino (ROF).
Ayon sa rider, cellphone at damit ang ipinadala sa kanya, ngunit nang siyasatin ay nadiskubre ang plastic sachet sa likod ng cellphone casing.
Nang suriin, nadiskubre na shabu ang laman ng sachet at sa pag-iimbestiga ay naabsuwelto naman ang delivery rider.
Dakong 5:30 ng hapon, dumating ang isa pang rider at sinabing may package siya na naglalaman ng damit para sa kanyang pinsan na naka-isolate din sa naturang hotel.
Ngunit nang suriin ang mga damit ay nakita ang isa ring plastic na naglalaman ng shabu.
“Huwag na nating ilagay sa balag ng alanganin ang kapakanan ng mga OFW at iba pang ROF sa mga quarantine facilities. Maliban sa nakokompromiso nito ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga kaanak, maaari pa tayong makasuhan dahil sa paglabag sa batas. Kailangan namin ang inyong kooperasyon,” ang panawagan ni PCG task Force commander, Rear Admiral Rolando Punzalan matapos ang dalawang insidente.
Nahaharap na sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang balikbayan na Filipino at ang pangalawang rider.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.