CAAP, nilinaw ang ulat ukol sa pagkaantala ng pagtatapos ng ilang airport project
Nagpaliwanag ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ukol sa ulat ng Commission on Audit (COA) ukol sa airport projects sa bansa.
Base sa ulat ng COA, nasa 16 lamang sa 86 airport projects, na may pondong P9.88 bilyon sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) a pagitan ng CAAP at Department of Transportation (DOTr) ang nakumpleto mula 2016 hanggang 2018.
Ayon sa CAAP, nakumpleto ang 46 sa 83 airport projects na may pinagsama-samang project cost na ₱4,639,666,816.95 sa ilalim ng DOTr-CAAP MOA para sa inisyal na implementasyon ng mga proyekto na sakop ng GAA para sa CY 2015 hanggang CY 2018 na may Programmed Amount (PA) na P9.898 bilyon.
Katumbas ang naturang accomplishment ng 55.69 porsyento pagdating sa kabuuan at 47.25 porsyento naman sa overall cost.
Maliban dito, 10 sa 19 proyekto sa ilalim ng procurement ang ginagawa na.
Giit ng CAAP, patunay ito na sa kabila ng nararanasang pagkaantala sa trabaho dulot ng pandemya, naitutulak pa rin ang mga proyekto.
Pagdating naman sa DOTr downloaded projects, tinukoy ng ahensya ang mga ipinatupad na proyekto sa ilalim ng kanilang Annual Procurement Plan (APP) mula 2016 hanggang 2020.
Sa DOTr downloaded projects, binanggit ng ahensya na matagumpay nilang nakumpleto ang 75 sa 87 CAAP APP projects dagdag pa sa 16 natapos na DOTr downloaded projects mula 2016 hanggang 2020.
“CAAP strongly believes that extensive progress has been made in realizing government infrastructure projects which prompted the DOTr to continuously entrust to CAAP the implementation of airport projects,” pahayag nito.
Dagdag nito, “CAAP is fully aware of the maximum period allowed for the procurement of infrastructure projects under the Revised Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 9184.”
Nananatili rin anila silang matatag sa kanilang matibay na fiscal performance matapos makapag-remit ng mahigit P21 bilyong dibidendo sa National Treasury mula 2017 hanggang 2020.
Nakapag-remit din ang CAAP ng karagdagang P3 bilyon bilang suporta sa COVID-19 response Bayanihan To Heal As One Act.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.