PNP, tutulong na sa paghahanap ng nawawalang PDEA agent
Tutulong na ang Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paghahanap ng isang nawawalang ahente na pinaniniwalaang dinukot.
Bumuo na ang PDEA ng task force upang matutukan ang paghahanap kay Investigation Agent I Merton Fesway.
“Inatasan ko na ang aming CIDG Director, Police Maj. Gen. Bert Ferro, na makipag-ugnayan sa PDEA upang alamin kung paano makakatulong ang PNP sa paghahanap kay Investigation Agent I Merton T. Fesway,” pahayag ni Eleazar.
“Magkasangga ang PNP at PDEA laban sa mga sindikato ng droga at anumang pag-atake laban sa kahit isang miyembro ng PDEA ay itinuturing na rin naming pag-atake sa PNP,” dagdag nito.
Sinabi ng PDEA na nakatalaga si Fesway sa PDEA Regional Office III Pampanga Provincial Office.
Simula pa June 25 nang mawala si Fesway.
Hinikayat naman ng PNP Chief ang publiko na tumulong din sa paghahanap sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyong makakatulong sa paghanap sa anti-narcotics agent.
“Makakaasa ang ating mga kapatid sa PDEA sa aming pakikipagtulungan upang agad na malutas ang kasong ito,” ani Eleazar.
Aniya pa. “Nananawagan din ang PNP sa publiko na kung may hawak silang impormasyon sa pagkawala ni Fesway ay agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin siya nahahanap.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.