17 buwan ng pandemya, gobyerno hindi pa rin natututo – Sen. Leila de Lima
Pinuna ni Senator Leila de Lima ang tila patuloy na pagbalewala ng gobyerno ng mga mahahalagang datos kaugnay sa pagtugon sa krisis dulot ng COVID 19.
Sinabi ni de Lima na noong Mayo ay inamin na ni contact tracing czar Benjamin Magalong na mahina pa rin ang contact tracing sa bansa, ngunit hindi pa rin ito pinagtuunan ng pansin ng gobyerno.
Ngayon aniya nagbabadya na kumalat pa ng husto ang Delta variant nanatiling kapos sa kaalaman at diskarte ang gobyerno, na aniya ay abala sa epalan, sagutan at pamumulitika.
“Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Tatlong salita lamang yan: Test-Trace-Treat. Pero hanggang ngayon eh puro lockdown saka curfew pa rin ang alam niyo. Bakit? May oras lang ba ng paglabas ang COVID?” tanong ng senadora.
Diin niya na pagpapatunay lang ito na inutil ang namumuno sa bansa at hindi alam ang tunay na kahulugan ng pamumuno.
Binanggit pa ni de Lima ang ulat ng Commission on Audit (COA) na may P29.256 million na nailaan para sa pagkuha ng mga contact tracers ang hindi pa nagagalaw at patunay ito ng kapabayaan sa tungkulin.
Mayroon din aniya na mga bilyong bilyong piso na nailaan sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 ang hindi pa naipamamahagi sa mga nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.