Sen. Bong Revilla pinatitiyak na tama ang distribusyon ng ECQ ayuda
Sinabi ni Senator Ramon Revilla Jr. na kailangan ang kooperasyon ng pambansang gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng ayuda sa mga lubhang apektado ng pag-iral muli ng enhanced community quarantine (ECQ).
Dapat aniya matiyak na bukod sa magiging maayos ang distribusyon ay ang mga tunay na kuwalipikadong benepisaryo ang makakatanggap ng ayuda.
Napakahalaga din aniya na matatanggap ang ayuda sa tamang panahon.
“Marami na naman tayong kababayan na mawawalan ng pagkakakitaan bunga ng lockdown na ito. Kailangan makaabot sa kanila ang tulong ng pamahalaan agad-agad dahil karamihan, isang-kahig isang tuka,” punto ng senador.
Hinamon niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maayos na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) para sa maayos na pamamahagi ng ayuda.
Sa Metro Manila, inanunsiyo ng Metro Manila Council (MMC) na ang distribusyon ng P1,000 hanggang P4,000 sa mga benipesaryong pamilya ay magsisimula bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.