Namataang 2 LPA, 2 bagyo malabong tumama sa bansa; Monsoon rains, iiral pa rin
Apektado pa rin ng Southwest Monsoon o Habagat ang buong bansa.
Bunsod nito, ibinabala ni PAGASA Weather Specialist Joey Figuracion na makararanas ng pag-ulan partikular sa Ilocos region, Batanes, Babuyan Islands, Abra, Apayao, Benguet, Zambales at Bataan.
Paminsan-minsang pag-ulan naman ang iiral sa Metro Manila, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan at sa nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa Visayas at Mindanao.
Samantala, sinabi ni Figuracion na may apat na weather system na binabantayan ang PAGASA.
Isa rito ay low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Bandang 3:00 ng hapon, huling namataan ang LPA sa layong 580 kilometers Hilagang-Silangan ng Itbayat, Batanes.
Palayo aniya ang pagkilos ng LPA at maari nang lumabas ng PAR sa susunod na 48 oras.
Maliban dito, may isa pang LPA na tinututukan na nasa labas ng teritoryo ng bansa.
Ani Figuracion, hindi ito papasok ng PAR dahil palayo rin sa kalupaan ng bansa ang tinatahak na direksyon ng LPA.
May dalawa pang bagyo sa labas ng bansa na tinututukan ang weather bureau.
Bahagi aniya ito ng monsoon trough kung kaya’t patuloy na nakararanas ng pag-ulan dulot ng Habagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.