NCRPO, inatasang mahigpit na ipatupad ang curfew hours
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na tiyakin ang istriktong implementasyon ng curfew hours oras na ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ipatutupad ang mas mahabang curfew hours para sa mas mahigpit na border control simula sa August 6 hanggang 20, 2021.
“The strict border control and the longer curfew hours are but some of the necessary interventions to prevent the spread of the Delta variant of COVID-19,” pahayag ni Eleazar.
Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, makatutulong ang mas mahabang curfew hours upang maiwasan ang mass gatherings sa mga komunidad.
Ipinag-utos din ni Eleazar sa mga pulis na makipagtulungan sa mga opisyal ng barangay para sa pagpapatupad ng curfew.
Saad pa ng PNP Chief, “Sa pamamagitan ng curfew, maiiwasan ang pagkakaroon ng mass gatherings, gaya ng mga inuman o iba pang mga salo-salo, na malaki ang posibilidad na maging super spreader events.”
Maliban sa curfew, tutulong din ang hanay ng PNP sa pagpapatupad ng liquor ban ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Hinikayat naman ni Eleazar ang publiko na sundin pa rin ang minimum public health safety standards at quarantine protocols upang hindi na kumalat ang mas nakakahawang Delta variant.
“Nauunawaan namin ang sinasabing quarantine burnout na nararamdaman ng ating mga kababayan subalit maling-mali ang pananaw na walang epekto ang mga paghihigpit na ito dahil ang mga public experts na mismo ang nag-rekomenda nito at kami mismo sa PNP ay napatunayan naming kung gaano ka-epektibo ito upang maiwasan ang pagkalat ng virus,” ani Eleazar.
Dagdag nito, “Nakita natin mismo ang epekto ng Delta variant sa India at nababalitaan kung gaano katindi ang virus nito sa iba pang bansang tinamaan nito kaya nararapat lamang ang agarang aksyon ng ating pamahalaan bago pa ito mauwi sa sisihan.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.