DOTr, pinangunahan ang COVID-19 vaccination para sa transport workers
Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pagsisimula ng COVID-19 vaccination para sa transport workers sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX), araw ng Sabado, July 31, 2021.
Pinamagatang “TsuperHero: Kasangga ng Resbakuna” ang vaccination program para sa public utility vehicle (PUV) drivers, conductors, at iba pang transport workers katuwang ang DOTr Road Transport Sector, Department of Health (DOH), Mega Manila Consortium Corporation (MMCC), Parañaque City government, at PITX.
“Mahalaga po para sa atin na masigurong bakunado ang ating mga bayaning transport workers, lalo na at iba’t-ibang lugar ang kanilang pinupuntahan, gayundin ang mga taong kanilang nakakasalamuha sa araw-araw,” pahayag ng kalihim sa seremonya.
Kasabay nito, ipinag-utos ng kalihim ang istriktong pagpapatupad ng health at safety measures sa public transport facilities.
Nag-convert ang MMCC ng limang bus kung saan ang tatlo ay gagamitin para mabakunahan ang hindi bababa sa 1,000 transport workers kada Sabado upang maabot ang minimum target na 6,000 vaccinees.
Nagbigay ang Parañaque City government ng unang batch ng bakuna habang ang nalalabing bakuna na kakailanganin ay manggagaling sa gobyerno, sa ilalim ng nationwide vaccination program, sa pamamagitan ng Metro Manila Center for Health Development ng DOH.
Nagbigay din ang Parañaque City Health Office ng mga kakailanganing medical personnel para sa screening, vaccination, at post-vaccination stations.
Sisimulan ang vaccination program para sa transport workers sa Metro Manila at mga karating-lugar.
Tiniyak ng kagawaran na kalaunan ay magpapatupad din nito sa iba pang rehiyon para maabot ang mga remote area.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.