Umento sa sahod ng mga government nurses dapat nang ibigay – partylist solon
Kinalampag ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) na ibigay na ang dagdag na sahod para sa mga government nurses sa bansa.
Ginawa ni Defensor ang panawagan sa gitna na rin ng posibleng pagtaas ng Delta variant sa bansa at matapos mapagalaman na kasalukuyan pa ring hinihintay ng mga nurses sa ospital sa Quezon City ang dagdag sa kanilang sweldo.
Giit ng mambabatas , noon pang Hunyo 21 nang ilabas ng Malakanyang ang memorandum na bumabawi sa demosyon ng mga nurses at nag-uutos na ipatupad na ang P3,000 pay hike sa basic salary ng mga government nurses.
Sabi pa ni Defensor na maaaring hugutin ng DBM ang dagdag sahod sa mga nurses sa P29.3-billion compensation adjustment fund sa ilalim ng 2021 national budget.
Marapat lamang din aniya na ipatupad na agad ito dahil ang direktiba ay mula na sa Palasyo.
Bukod dito, ang DBM din ang unang nag-demote sa mga nurses kasama ang mga LGU nurses noong nakaraang taon kung saan ang mga Nurse II ay naibaba sa Nurse I at kasama din sa downgrade ng posisyon ang pagbaba ng kanilang mga sahod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.