Pagtatayo ng modernong kulungan, nais pondohan ni Rep. Boyet Gonzales
Nais ni Deputy Speaker at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II na pondohan ang konstruksyon ng modernong kulungan sa bansa.
Layon nitong solusyunan ang masisikip na bilangguan at pigilan ang pagkalat ng COVID-19, partikular ang Delta variant.
Mahalaga aniyang mapabuti ang kalagayan ng persons deprived of liberty (PDLs) o mga bilanggo sa buong bansa.
“In these trying times, we are hoping that Congress will also shed light on the needs of our fellow Filipinos who have been deprived of liberty,” pahayag ni Gonzales.
Nararapat din aniyang mabigyan ng makatao at ligtas na pasilidad ang mga bilanggo lalo na’t nasa gitna ng pandemya
“Last Tuesday, July 27, together with local officials and the Bureau of Jail Management and Penology, we witnessed the inaugural blessing of the first fully automated, modern and state-of-the-art eight-story city jail in Mandaluyong. We hope that more of these facilities will be funded under the next year’s national budget,” dagdag ni Gonzales.
Aabot ng P515 milyon ang bagong city jail sa Mandaluyong City na ipinanukala ni dating Mandaluyong City Rep. Queenie Gonzales noong 2018 at itinuloy ng kanyang mister na si Boyet Gonzales.
Sinabi ni Boyet Gonzales na espesyal ang bilangguan na dinesenyong energy-efficient, may “sunning area” sa roof deck, basketball court, state-of-the-art kitchen at laundry facilities.
“We see this facility as the solution to the perennial problem of congestion in our jails in Mandaluyong because the old BJMP building has the capacity of around 170 PDLs but it currently houses over 700 inmates,” ani Boyet Gonzales.
Iginiit ng Deputy Speaker ang kahalagahan na bumuo ng maayos na mga pasilidad upang matulungang mareporma ang mga bilanggo at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit.
Sa ulat ng Human Rights Watch noong 2020, sinabi ni Gonzales na inihayag ng BJMP na 467 kulungan sa buong bansa ang mayroong 534 porsiyentong kapasidad noong Marso ng nasabing taon.
Base naman sa tala ng Bureau of Corrections (BuCor), inihayag ni Gonzales na umaabot sa 310 porsiyento ang congestion rate ng 125 kulungan sa buong bansa.
“Marapat-dapat din nating mapagtuunan ng pansin ang kalagayan ng ating mga kababayang nakapiit sa kulungan, na marami sa kanila ay nagkamali o nagkasala man, dahil sa matinding kahirapan,” giit ng mambabatas at aniya pa, “Ang bagong city jail na ito ay siguradong masu-solusyunan ang kadalasang problema ng overcrowding sa mga city jails, kaya’t madalas ay nagkakahawaan ng mga pigsa at mga skin disease at iba-ibang mga sakit ang mga inmates.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.