NCRPO, pinaalalahanang maging alerto vs mass gatherings dahil sa banta ng Delta variant

By Angellic Jordan July 28, 2021 - 03:23 PM

PNP photo

Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na istriktong ipatupad ang quarantine rules dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.

Sinabi ng hepe ng pambansang pulisya na dapat ding matiyak na nasusunod ang social distancing.

“I am directing police commanders to be more vigilant in preventing the occurrence of social gatherings, which may be considered super spreader events that could lead to a high transmission rate of COVID-19,” pahayag ni Eleazar.

Aniya, hihintayin ng kanilang hanay ang ibababang desisyon ng gobyerno sa posibleng implementasyon ng “circuit-breaker” o dalawang linggong lockdown sa Metro Manila.

“Maghihintay tayo ng desisyon mula sa IATF kung ipatutupad nila itong circuit-breaker lockdown. Nasa kamay nila ang desisyon hinggil sa bagay na ito at nakadepende sa suhestiyon at rekomendasyon ng mga eksperto,” saad ng PNP Chief.

Gayunman, iginiit ni Eleazar na magiging epektibo ang paglaban sa pagkalat ng COVID-19 at variants nito kung patuloy na susunod sa health protocols ang publiko.

“Sa mahigit isang taong pakikipaglaban natin sa banta ng COVID-19, napakarami pa ring mga kababayan natin ang nasisita at nahuhuli dahil sa iba’t-ibang uri ng paglabag sa mga health safety protocols,” ayon sa PNP Chief.

Dagdag nito, “Nakakalungkot na sa kabila ng paulit-ulit na paliwanag at mga ulat sa epekto ng COVID-19, lagi pa rin nauuwi sa sitahan at arestuhan na puwede namang hindi na kung isasapuso lang ng bawat isa ang pag-iingat at pagsunod sa mga alituntunin para sa sariling kaligtasan at pagrespeto sa karapatan ng ating kapwa na hindi mahawa.”

Sa huling datos, nakapagtala na ng 119 kaso ng Delta variant sa bansa.

“Subalit nananatiling alerto ang ating mga kapulisan sa pagpapatupad ng minimum public health safety protocol at patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa IATF at mga lokal na pamahalaan sa anumang mga adjustment sa pagpapatupad nito,” pahayag pa ni Eleazar.

TAGS: Delta, DeltaVariant, GuillermoEleazar, InquirerNews, massgathering, NCRPO, RadyoInquirerNews, Delta, DeltaVariant, GuillermoEleazar, InquirerNews, massgathering, NCRPO, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.