P33M, house and lot sa Olympic gold medal ni Hidilyn Diaz
Garantisadong tatanggap ng P33 milyon si weightlifter Hidilyn Diaz sa pagbigay niya ng kauna-unahang Olympic gold medal sa Pilipinas.
Base sa Republic Act 10699 na pinirmahan ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino noong 2015, tatanggap ng P10 milyon si Diaz at Olympic Gold Medal of Valor mula sa gobyerno.
Bago pa ang 2020 Tokyo Olympics, nangako naman si First Pacific Chief Executive Officer Manny Pangilinan ng P10 milyon na tinapatan naman ni Ramon Ang, ng San Miguel Corp at P3 milyon naman ang ibibigay ni House Deputy Speaker Michael Romero.
Si House Deputy Speaker at Philippine Olympic Committee Chairman Abraham Tolentino ay nagsabing bibigyan niya ng bahay at lupa sa Tagaytay City si Diaz.
Inaasahan na madadagdagan pa ang cash prize ng 30-anyos na tubong Zamboanga City, bukod sa iba pang mga insentibo matapos tanghalin na kauna-unahang Filipino Olympian na nanalo ng Olympic gold medal.
Tinalo ni Diaz, na isang sarhento sa Philippine Air Force (PAF), si world record holder Liao Qiuyun, ng China, sa women’s 55kg category.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.