PNP, naghahanda kasabay ng pagpayag sa 5-anyos pataas na makapunta sa open spaces
Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng police commanders na makipag-ugnayan sa local chief executives para matukoy ang mga lugar kung saan maaaring pumunta ang mga batang may edad limang taong gulang pataas.
Base sa huling desisyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), papayagan nang makapunta ang mga batang limang taong gulang pataas sa open space sa mga lugar na nakasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ.
Kasunod nito, inaasahang bubuo ang Metro Manila Council ng listahan ng mga lugar kung saan pwedeng mamasyal ang mga bata.
“Sa pagluwag ng community quarantine sa ilang lugar kabilang ang Metro Manila, batid namin sa PNP na mas excited ang ating mga kababayan sa paglabas ng mga batang may edad lima pataas,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag nito, “Kaya naman inatasan ko na ang ating mga commanders na maghanda tungkol dito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang mga LGUs sa pagtukoy ng mga lugar na puwedeng puntahan at ang mga alituntunin na dapat sundin dito para sa proteksyon ng bawat isa.”
Magtatalaga aniya ng mga pulis sa mga tutukuying lugar upang masigurong nasusunod ang minimum public health safety protocol.
Inabisuhan ng PNP Chief ang police commanders na kung maaari, mga babaeng pulis ang italaga para mas mapagpasensya pagdating sa mga bata.
“Tinitiyak namin na hindi magiging KJ ang inyong PNP dahil nauunawaan namin ang pinagdaanan ng mga bata at magulang sa mahigit na isang taong lockdown measures,” paalala nito.
“Kaya nananawagan ulit kami sa ating mga kababayan na ang banta ng COVID-19 ay nandito pa kaya sama-sama nating protektahan ang ating mga sarili, at magtulong-tulong tayo na protektahan natin ang mga batang Pilipino,” saad pa ni Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.