Mga naranasang problema sa overseas voting, idaan sa formal complaint – Comelec
Hinikayat ng Commission on Elections ang mga nagrereklamong OFWs na maghain ng pormal na reklamo hinggil sa anila ay kwestyunableng proseso sa overseas voting
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, makikipagpulong siya sa Smartmatic para pag usapan ang insidenteng binabanggit na mayroong mga boto sa overseas voting na naililipat sa ibang kandidato.
Ani Bautista, pwede kasing voters’ error ang naging problema, gaya ng pag-o-over vote o di kaya naman ay maling pagmarka
Mas mainam ayon kay Bautista kung susulat ang mga nagrereklamong OFW sa Comelec at ilalahad ang kanilang naranasan kalakip ang mga ebidensya.
“Kung sa palagay ninyo may pagkakamali sa bilang ng boto nyo dapat mag file kayo ng objection. Isulat ninyo kung ano ang nangyari at kami sa Comelec agad-agarang titignan iyan,” ayon kay Bautista.
Hindi rin iniaalis ng Comelec ang posibilidad na sadyang may nagbibigay duda lang sa proseso ng eleksyon.
Ayon kay Bautista, habang papalapit ang halalan, maraming kwento ang pwedeng gawin upang makapagbigay bahid o duda sa election process.
“Habang lumalapit ang eleksyon, merong ilan na iba ang agenda, maraming kwento na pwedeng gawin para makapagbigay ng duda. Kailangan naming makuha ang mga ebidensya,” dagdag pa ni Bautista.
Tiniyak naman ni Bautista na mabilis aaksyunan ng Comelec sakaling makatanggap sila ng reklamo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.