Mga plano at kakayahan, ibinida ng mga kandidato sa pagtatapos ng presidential debate
Kumpara sa mga naunang presidential debates, nabigyan ngayon ng mas mahabang oras ang mga kandidato sa pagka-pangulo para magbigay ng kani-kanilang closing statements sa ikatlo at huling PiliPinas Presidential Debate 2016 sa Dagupan City.
Nabigyan ng tig-limang minuto ang mga kandidato para ihayag ang kani-kanilang mga pangako sa mga botante.
Para kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, itutuon niya ang kaniyang pansin sa lahat ng ikabubuti at naaayon sa interes ng mga mamamayan, kasabay ng paninindigan sa pag-laban sa droga at kriminalidad sa loob ng unang anim ba buwan ng kaniyang panunungkulan sakaling manalo bilang sunod na pangulo.
Binalaan rin niya ang mga kriminal at tiwaling opisyal ng pamahalaan na itigil na ang kanilang mga ginagawa at sumunod na lamang sa batas.
Ayon din kay Duterte, lahat naman silang magkaka-tunggali ay karapat-dapat manalo ngunit ang pinagkaiba lamang niya ay ang kahandaan niyang magbuwis ng buhay, dignidad at maging ang mismong pagka-pangulo para sa buong sambayanang Pilipino.
“I will never quit. I will never stop. I will never with draw. I will never surrender.”
Ito naman ang naging pangako ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kaniyang mga taga-suporta at maging sa mga nag-uudyok sa kaniya na umurong na sa laban dahil sa kalagayan ng kaniyang kalusugan.
Iginiit rin ni Santiago sa mga nagpapakalat ng black propaganda laban sa kaniya kaugnay ng kaniyang dinanas na sakit na cancer, balik normal na ang kaniyang kalusugan.
Sa kaniya namang closing statement, binanatan ni Vice President Jejomar Binay ang mga plataporma at plano ng mga kalaban niya na ayon sa kaniya, ay galing lang sa kanilang mga campaign advisers.
Iginiit rin ni Binay na ang mahalaga sa susunod na magiging pangulo ay ang may maayos na track record, may kakayahang ipatupad ang mga pangako at may karanasan na hindi naman puro kapalpakan.
Aniya pa, walang makakatumbas sa lawak ng kaniyang karanasan sa panunungkulan sa bayan.
Itinuturing naman ni dating secretary Mar Roxas na isang “fight for decency, fight for honesty at fight for our future” ang laban niya sa pagka-pangulo.
Kinumbinse rin ni Roxas ang publiko na huwag hayaang matabunan ang mga naging magandang pagbabago sa bansa na pilit isinasantabi ng mga paninisi.
Hindi naman makakapayag si Sen. Grace Poe na mauupo na lamang siya at panooring magdusa ang mga mamamayan sa kamay ng tiwaling pamahalaan.
Ani Poe, bilang isang babae at isang nanay, hindi niya kayang tiisin na milyun-milyong bata pa rin ang hindi nakakakain, at maraming magsasaka ang kinakapos ng ipapakain sa kanilang pamilya.
Pinatunayan rin ni Poe na hindi hadlang ang kaniyang pagiging babae sa matapang na pag-laban sa kriminalidad at iligal na droga dahil aniya, hindi sumusuko ang isang babae para ipaglaban ang kanilang mga mahal sa buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.