Halos 500 kilometrong bike lane markings, signages sa NCR, Metro Cebu at Metro Davao nakumpleto na ng DOTr
Nakatakdang pasinayaan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang tatlong bike lanes sa National Capital Region, Metro Cebu at Metro Davao sa buwan ng Hulyo.
Ito ay matapos makumpleto ng kagawaran, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), ang 497 kilometrong pavement markings, physical separators at road signages sa nasabing lugar.
Sa NCR, naayos ng DOTr at DPWH ang 313 kilometrong pavement markings, physical separators, at road signages na nagkakahalaga ng P801,830,479.93.
Sa bahagi ng Metro Cebu, nailagay na ang 129 kilometrong pavement markings, physical separators, at road signages sa halagang P150 milyon habang sa Metro Davao naman ay natapos na rin ang 55 kilometro nito na aabot sa P145,369,391 ang halaga.
Umabot sa P1.09 bilyon ang kabuuang pondo para sa tatlong proyekto sa ilalim ng Bayanihan Bike Lane Networks Project.
Ayon kay Sec. Tugade, ang paglalagay ng pavement markings, physical separators at road signages ay pagpapakita kung gaano kaseryoso ang DOTr sa pagsusulong ng aktibong transportasyon.
“It is in fulfilling the desire of the public, and commuters, the Department of Transportation has been implementing projects geared towards that end,” pahayag ni Sec. Tugade.
Dagdag nito, “We intend to provide commuters with access to faster, and efficient means of mass transportation; and to open infrastructure for active transportation such as walking and cycling.”
Sa ilalim ng Republic Act. No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act, pinagtibay ang pagtutulak ng aktibong transportasyon sa pamamagitan ng deklarasyon sa bisikleta bilang dagdag na paraan ng transportasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.