Pagbibigay ng libreng gamot at school supplies, pangako ni VP Binay
Nangako si United Nationalist Alliance (UNA) standard-bearer Vice President Jejomar Binay na gagawin niyang libre para sa mga mahihirap ang mga gamit pang-eskwela ng mga estudyante at maging ang serbisyong pangkalusugan.
Sa inauguration ng UNA provincial headquarters sa Binmaley, Pangasinan kahapon, sinabi ng ni Binay na, magiging libre lahat ng pangangailangan ng mga bata sa eskwelahan.
Sa usapin ng pangkalusugan, sinabi rin ng bise presidente na libre ang gamot at libre din ang pagpapagamit sa ospital.
Gusto ni Binay na walang mamamatay na mahirap dahil sa sakit.
Binanggit rin ng presidential candidate na ang mga senior citizen na may edad 60 hanggang 64 ay isasama niya sa 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ang pagkalinga aniya nito sa mga senior citizen sa Makati ay ang gagawin din niyang pagkalinga sa buong bansa.
Noong si Binay na ang alkalde ng Makati, ipinatupad nito ang BLU card program na nagbibigay sa mga senior citizens taon-taon ng dalawang libong pisong tulong para sa kanilang gastusin sa pang araw-araw partikular na pagkain at gamot. Nangako rin si Binay na ipagpapatuloy niya ang 4Ps at palalawakin pa ito para magkaroon ang mga benepisyaryo ng dagdag na perang pambili ng gamot at panggastos sa kanilang mga anak pagdating sa pag-aaral.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.