Davao City kasama sa bibisitahin ng Vaccine Express ni VP Leni Robredo
Kahit inakusahan pa ni Davao City Mayor Sara Duterte ng pamumulitika para sa 2022 elections, sinabi ni Vice President Leni Robredo na kasama ang lungsod sa binabalak nilang pagdalahan ng kanyang Vaccine Express program.
Una nang nangako si Robredo na dadalhin niya ang programa sa Visayas at Mindanao bunsod na rin ng pagtaas ng bilang ng COVID 19 cases.
Tugon na rin niya ito sa naging apila ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na ikasa ang program sa Visayas at Mindanao sanhi ng paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng nakakamatay na sakit.
Unang ikinasa ang drive-thru vaccination sa CCP Complex sa Maynila noong nakaraang Martes at sa dalawang araw ay nabakunahan ang 4,000 tricycle drivers, padyak boys at delivery riders.
Magugunita naman na minasama ni Duterte ang naging pahayag ni Robredo na pag-aralan ng Davao City ang naging diskarte sa Cebu City sa pagtugon sa pandemya.
Sinabi ni Duterte na hindi dapat nakikialam si Robredo sa mga sitwasyon na wala siyang nalalaman at kinalaman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.