Utang na allowances, benefits sa healthcare workers sinisingil ni Sen. Go
Umapila si Senator Christopher Go sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na bayaran na ang allowances at benepisyo ng mga healthcare workers.
Paalala nito, hanggang sa katapusan na lamang ng kasalukuyang buwan ang Bayanihan 2, na napaglaanan ng pondo para sa mga healthcare workers.
Nakakapanghinayang, aniya, kung hindi maibibigay ang mga napaglaanan ng mga benepisyo.
Aniya pinaghirapan ng Kongreso na maipasa ang batas at isinama ng mga mambabatas sa pinaglaanan ng pondo ang mga benepisyo para sa mga healthcare workers.
Giit niya ang ginawa ng Kongreso ay pagkilala lang sa serbisyo at sakripisyo ng mga pangunahing humaharap sa nararanasang COVID 19 crisis.
“Nasa gitna pa tayo ng pandemya at hindi pwede ang papatay-patay sa gobyerno. Ni piso at ni isang minuto ay hindi dapat masayang dahil buhay ang kapalit nito. Magtulungan tayo at huwag patulugin ang trabaho. Walang tigil dapat ang serbisyo lalo na sa panahon ngayon na nangangailangan ang mga Pilipino,” aniya.
Una nang kinondena ng healthcare workers ang hindi pa rin pagbibigay sa kanila ng allowances at dagdag benepisyo at anila hindi katanggap-tanggap ang pagdadahilan na ang kanilang pera ay nagastos sa mga ibang bagay para sa pagtugon sa pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.