Sen. Ping Lacson inayawan na mapasama sa ‘presidentiables’ ng 1Sambayanan
Tumanggi na si Senator Panfilo Lacson na mapabilang sa maaring pagpilian ng 1Sambayanan na kanilang ‘presidentiables’ para sa 2022 elections.
Ibinahagi ni Lacson na kahapon ay sumulat na siya kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, isa sa lead convenor ng 1Sambayanan, para ipabatid ang kanyang pagtanggi na mapabilang sa ‘presidentiables’ ng opposition coalition.
Tinanggihan din ng senador ang imbitasyon ng koalisyon na magsalita sa isasagawang town hall meeting ukol sa pambansang seguridad at isyung panglabas sa darating na Sabado, Hunyo 19.
Nabanggit nito na sa susunod na taon ay pinagbabalakan na rin niyang umalis sa mundo ng politika bagamat maari pa siyang tumakbo muli sa pagka-senador.
Ikinatuwiran pa ni Lacson magiging isyu lang kung tatanggapin niya ang alok ng 1Sambayanan dahil siya ang nagtulak ng Anti-Terrorism Law, na ayaw ng ilan sa mga nangungunang personalidad sa koalisyon.
Mapait din sa panlasa ng senador ang inihayag na pag-endorso sa kanya ng 1Sambayanan sakaling naisin nito na sumabak muli sa ‘senatorial race.’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.