Pag-aalis ng obstruction sa flyovers sa EDSA, ipinag-utos ng MMDA
Nagsagawa ng inspeksyon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa ground level ng ilang flyovers sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), araw ng Martes, June 8.
Ayon kay Abalos, bahagi ito ng hakbang ng ahensya upang masiguro ang kaayusan at kalinisan sa lungsod.
Kabilang sa mga ininspeksyon ni Abalos ang bahagi ng EDSA-Kamuning, Timog at Quezon Avenue.
Kasunod nito, ipinag-utos ng MMDA chairman ang pag-aalis ng lahat ng uri ng kalat at obstructions, kasama ang mga ilegal na nakaparada at abandonadong sasakyan, na karamihan ay sangkot sa mga aksidente.
“Hindi puwedeng gamiting impounding ito. This is a national highway… kalye ito. Maski sino, bawal gumamit nito. We will coordinate with the proper authorities on this matter,” punto ni Abalos.
Maglalagay ng ‘no parking’ at ‘tow away’ signages sa mga nabanggit na lugar.
Apela pa ni Abalos sa mga may-ari ng sasakyan, iwasan ang pagpaparada sa ground level ng flyovers.
“I will make sure that violators will be sanctioned and issued violation tickets for illegal parking,” saad nito.
Samantala, ipinag-utos ni Abalos sa Metro Parkways Clearing Group (MPCG) and Road Emergency Group (REG) ang pag-aalis ng mga hindi kinakailangang MMDA equipment sa nasabing lugar.
“The equipment that the MMDA is utilizing for emergency purposes will be retained, but not these much. Further, we will identify strategic locations to relocate the remaining equipment. MMDA should set an example here,” pahayag nito.
Itatapon na ang mga sirang orange barriers, habang ang mga sirang concrete barrier ay babasagin at gagamitin bilang filling materials sa MMDA Tumana Impounding Area sa Marikina.
Nilinaw naman ng MMDA chief na ang naturang direktiba ay angkop sa lahat ng lugar na hawak ng MMDA at hindi lamang sa EDSA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.