Kasong murder sa taong gumagala kahit positibo sa COVID-19, ibinabala ni Pangulong Duterte
Sumasang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na maaring makasuhan ng murder ang isang indibidwal na patuloy na gumagala kahit alam ng positibo sa COVID-19.
Ayon sa Pangulo,kung hindi man murder, maaring sampahan ng kasong reckless imprudence.
“And iyong sabi mo murder, although medyo malayo masyado sa isip ng tao ‘yan, but it is possible. If he knows that he is sick with COVID-19 and he goes about nonchalant, papasyal-pasyal ka lang diyan, you are maybe if it is intentional, malayo ‘yan pero it could be murder, sabi nga ni Sal; at kung hindi, iyang reckless imprudence would really mas swak doon sa sitwasyon na ‘yon,” pahayag ng Pangulo.
Sa pahayag kasi ni Panelo, sinabi nitong murder ang maaring ikaso kung sinadya ang pamamasyal ng isang tao kahit na positibo na sa COVID-19.
“Pero kung alam niya po, pumunta siya sa isang lugar, alam niyang may sakit siya ng coronavirus at nakahawa siya at namatay, ay ‘yan po ay talagang sadyang pagpatay ‘yan. Papasok po ‘yan sa murder sapagkat intentional. Alam mo na ngang makakahawa ka, alam mo na ‘pagka nahawaan ka, lalo na ‘yong mga may sakit ng dati, mga comorbidity na tinatawag ay talagang ‘yan ay sadyang pagpatay ang ginagawa mo at ika’y mananagot sa ating mga batas at kapangyarihan,” pahayag ni Panelo.
Una rito, sinabi ng Pangulo na maghahanap siya ng batas na maaring ikaso laban sa isang indibidwal na matigas ang ulo at hindi sumusunod sa health protocols na itinakda ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.