Mayor Rodrigo Duterte, kinasuhan ng women’s groups sa CHR dahil sa rape joke
Nagsampa ng kaso ang iba’t ibang women’s group sa Commission on Human Rights laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa biro nito sa rape at pagpatay sa isang australian missionary noong 1989.
Ayon kay CHR chairperson Jose Luis Martin Gascon, sinabi ng mga grupo na nainsulto sila sa rape joke ni Duterte at paglabag anila ito sa Magna Carta for Women.
Sinabi pa ng mga nagreklamo na hindi tapat ang paghingi ni Duterte ng paumanhin.
Tinanggap ni Gascon ang reklamo na anya’y daraan sa pormal na proseso kabilang ang pagkuha ng sagot mula sa alkalde.
Sinabi ni Gascon na hindi dapat gawing biro ang rape.
Naalarma ang ahensya sa rape joke ni Duterte pati sa sinabi nito na drama queen ang anak na si Sara na umaming isa rin itong rape victim.
Ayon kay Gascon, ang magagawa lang nila ay magrekomenda sa Department of Interior and Local Government (DILG) kung manatiling public servant si Duterte o sa korte kung dedesisyunan ang kaso na private citizen na ang alkalde.
Bukod sa rape joke ay inireklamo rin ng mga women’s groups ang paghalik ni Duterte sa mga babae sa kanyang kampanya at ang kumpisal niya sa pari na pumunta siya sa kwarto ng isang kasambahay na kanyang sinilipan habang natutulog.
Nakapirma sa reklamo ang mga kinatawan mula sa Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific (CATW-AP), World March of Women-Pilipinas (WMW), LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights), Womanhealth Philippines, Kasarian-Kalayaan (SARILAYA), Sagip-ilog Pilipinas, Sentro ng Manggagawa ng Pilipinas (SENTRO), Labor Education and Research Network (LEARN), at Pilipina-ang Kilusan ng Kababaihang Pilipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.