Body-worn camera system, inilunsad para sa mga operasyon ng PNP
Inilunsad na ng Philippine National Police (PNP) ang body-worn camera system para sa mga operasyon ng pulisya.
Layon nitong matiyak ang transparency at pagiging lehitimo ng operasyon, kabilang ang serbisyo ng search and arrest warrants.
Nagpasalamat si PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa mga nagdaang hepe ng pulisya simula kay Senator Ronald dela Rosa dahil sa pagtutulak ng pagkuha ng body cameras hanggang kay retired Gen. Debold Sinas na siyang pumirma ng mga pinal na dokumento ng pag-deliver nito.
Pinasalamatan din ni Eleazar ang Supreme Court para sa patuloy na pag-asiste sa pambansang pulisya sa mga isinasagawang preparasyon sa mga panuntunan sa presentasyon ng BWC data bilang court evidence.
“The procurement and eventually the use of Body Camera Worn System is a tribute not only to Kian delos Santos who died of police abuse in Caloocan City but also to the policemen whose ultimate sacrifice in the line of duty were tainted by claims of extra-judicial killings, planting of evidence and other unfair allegations,” pahayag ni Eleazar.
“Ang mahalaga dito ay masisiguro ng mga BWCs na walang paglabag sa Police Operating Procedures o sa karapatang pantao na magaganap bilang proteksyon ng ating mga kababayan. Magsisilbing proteksyon na din ito ng ating mga kapulisan laban sa mga malisyoso at maling paratang,” dagdag nito.
Base sa inisyal na kasunduan, sisimulan ang paggamit ng BWC kapag lahat ng personnel ay naisanay na.
Sa ngayon, nasa kabuuang 623 pulis ang nakapagsabay na sa paggamit ng body-worn cameras.
Ayon sa PNP Chief, nagbigay na siya ng go-signal para magamit ito simula sa araw ng Biyernes, June 4.
“The cameras capture real-time events and these are recorded in our central database. More importantly, footage taken through the BWCs cannot be erased easily as they are only accessible at the PNP Command Center,” pagtitiyak nito.
Sinabi ni Eleazar na ang BWC System, na suportado ng S.M.A.R.T. (Secured, Mobile, Artificial-Intelligence driven, Real time Technology) Policing initiative ng PNP, ay papayagang ma-monitor ng PNP Command Center ang mga aktuwal na operasyon ng pulis sa lahat ng unit sa buong bansa.
“The BWC will not only satisfy the requirement of transparency in police operations but, more importantly, capture real-life actions for their evidentiary value in investigation and prosecution,” paliwanag nito.
Saad pa ni Eleazar, “Ang ating gobyerno ay naglaan ng malaking pondo para sa BWC System bilang tugon sa panawagan at suhestyon ng nakararami nating kababayan. Ang BWCs ang magbibigay ng kasiguruhan sa kanila na ang ating kampanya kontra kriminalidad ay naaayon sa batas at walang paglabag sa karapatang pantao.”
Pagtitiyak ni Eleazar sa publiko, magbibigay ito ng proteksyon laban sa mga pang-aabuso at kalokohan ng iilang tiwaling pulis.
Proteksyon din aniya ito para sa mga matitinong pulis laban sa mga pagdududa at maling akala.
Giit nito, “So to those who would be lucky to use this Body Worn Camera System, I encourage you to do your best and show that every single centavo spent from the taxes of our kababayan is spent wisely. Nakasalalay sa inyo ang tuluyang pagbabalik ng tiwala ng taumbayan sa kanilang PNP, at nakasalalay sa inyo ang ating adhikain na magkaroon ng mas maraming body cameras para sa iba pa nating kasamahan sa serbisyo.”
Magpapakalat ang PNP ng inisyal na 2,696 BWCs para sa mga personnel ng city police stations sa bansa.
“Sa pamamagitan ng Body Worn Camera System, ipakita natin sa ating mga kababayan at sa buong mundo ang tunay na kahulugan ng Pulis ng Pilipino—Pulis na Matapang, Pulis na may Interidad at Pulis na Maasahan kapag hustisya ang pag-uusapan,” dagdag pa ni Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.