Private schools umaray sa dagdag na buwis ng BIR, Sen. Sonny Angara sumaklolo
Agad naghain ng panukala si Senator Sonny Angara para sa pag-amyenda sa National Internal Revenue Code (NIRC) para maitama ang maling interpretasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at pagpapataw ng 25 percent corporate income tax sa mga pribadong eskuwelahan.
Sa paghahain niya ng Senate Bill 2272, binanggit ni Angara ang ipinalabas na regulasyon ng BIR noong nakaraang Abril para sa pagpapatupad ng RA 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE), partikular na sa pagbibigay ng ‘preferential tax treatement’ sa mga pribadong paaralan at ospital.
Inilabas ng BIR ang resolusyon sa pagkaka-intindi na para maging kuwalipikado sa preferential tax rate ang paaralan dapat itong pribado ngunit hindi pinagkakakitaan.
Paliwanag ni Angara, imposible ang interpretasyon ng BIR dahil ang kahulugan ng ‘proprietary’ ay pribadong pag-aari at pinagkakakitaan.
Bunga nito, sabi pa ng senador, sa halip na bumaba sa isang porsiyento mula sa 10 porsiyento ang income tax rate ng private schools ay pinatawan pa sila ng 25% regular rate.
“The 25% was not imposed on schools in the past. Schools are among the hardest hit institutions during this pandemic. We can be more sensitive in our policies. Dapat mas sensitibo tayo ngayon sa pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na itong mga paaralan ay mahalagang institusyon sa ating lipunan at ka-partner ng gobyerno sa paghubog ng ating kabataan,” pagdiiin ni Angara.
Sinabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Finance maaring ang dapat baguhin lang sa Section 27(B) ng NIRC ay ilang salita, na nagdulot ng kalituhan.
Ayon pa kay Angara, ang naturang resolusyon ng BIR ay labag pa sa Saligang Batas.
Bago ito, inalmahan ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) ang resolusyon ng BIR sa pagsasabing ito na ang magpapabaon sa kanila sa hukay ngayon hikahos na ang marami sa kanilang miyembro dahil sa pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.