Traffic sa EDSA tumukod dahil sa ‘bomb scare’ sa bus
Matinding traffic ang dinanas ng mga motoristang bumabaybay sa kahabaan ng northbound lane ng EDSA sa Quezon City kagabi matapos rumesponde sa isang insidente ng ‘bomb scare’ sa isang pampasaherong bus ang mga otoridad.
Ayon sa report ng Quezon City Police District, pasado alas 7:00 ng gabi nang makatanggap sila ng report na may isang itim na bag ang inabandona sa loob ng ‘Magic Line Express ’ bus na bumabyahe sa Northbound lane ng EDSA.
Isa pasahero umano ang nakapansin ng abandonadong bag sa loob ng bus na may byaheng NAIA-Sapang Palay.
Nang kanyang buksan, napansin nito ang mga wire sa loob ng bag kaya’t agad niyang inalarma ang driver at konduktor.
Nang rumesponde ang mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division ng QCPD, isinara ang kahabaan ng northbound lane ng EDSA sa bahagi ng Main Ave. habang sinisiyasat ang laman ng bag na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko.
Makalipas ang isa’t kalahating oras, narekober ang bag at dinala sa Camp Karingal.
Ayon kay Supt. Rolando Balasabas, Station Commander Cubao Police Station,kanilang itinuturing na isang ‘bomb scare ang insidente at hindi bomba ang laman ng bag.
Gayunman, wala pang opisyal na report ang mga otoridad hinggil sa nilalaman ng abandonadong bag sa loob ng bus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.