Kapatid ng Australian missionary na sentro ng ‘rape joke’ ni Duterte, umalma
Umalma na rin ang kaanak ng Australian Missionary na naging sentro ng ‘rape joke’ ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa paggamit nito sa masakit na sinapit ng kanilang kaanak sa biro ng alkalde.
Tinutukoy ng ‘rape joke’ ni Duterte ang lumutang na video clip kung saan pabiro nitong sinabi na dapat ang mayor muna ang unang gumahasa sa Australian missionary na si Jacqueline Hammil sa halip na ang inmate na nanghostage dito noong 1989.
Sa facebook post ni Robin Haines, nagpakilalang kapatid ni Jacqueline, kanyang inihayag ang matinding galit sa pahayag ni Duterte at ang pagbatikos sa kandidatura nito.
Giit nito, naging matindi ang epekto sa kanya at kanyang pamilya ng pagkamatay ng kanilang kapatid.
Paliwanag ni Haines, batid nila ang panganib na kanilang kinaharap noon sa tuwing magtutungo sa mga piitan upang maghatid ng salita ng Panginoon.
Ngunit aniya, ito ang kanilang naging pangako sa Panginoon.
Nanawagan din ito na huwag tigilan ng publiko ang magbigay ng pagmamahal sa kapwa tao tulad ng ginawa ng Diyos.
Gayunman, iginiit nito na huwag iboto ang sinuman na nagsasalita ng hindi maganda ukol sa mga kababaihan.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit 2,500 shares ang FB post ni Haines.
Si Jacqueline Hammill ay isa sa 5 misyonaryo na pinatay at ginahasa umano ng mga inmate ng Davao Jail sa insidente ng hostage taking noong 1989.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.