Libro kaugnay sa Katarungang Pambarangay ng isang retiradong hukom, sinuportahan ng DILG
Sa harap ng dumaraming mga reklamo na dinidinig sa barangay level lalo na ngayong panahon ng pandemya, sinuportahan ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang inilunsad na libro ng isang retiradong hukom na magsisilbing gabay sa Katarungang Pambarangay.
Ayon kay Año, malaki ang maitutulong ng libro na isinulat ni dating Manila RTC Branch 26 Judge Silvino Pampilo Jr.
Nakabase ito sa Republic Act No. 7160 at Presidential Decree 1508 na magsisilbing gabay sa mga lupon na nangangasiwa sa katarungang pambarangay.
Idinagdag pa ni Año na malaki ang naitutulong ng Katarungang Pambarangay Law upang ma-decongest ang mga hukuman sa dami ng mga kasong nabibinbin.
Sa barangay level pa lamang aniya ay nareresolba na ang mga usapin.
Bukod dito, inilunsad din ng Pampilo and Associates Law Offices ang ilan pang mga libro tulad ng “A Guide in Dangerous Drugs Act“ at “Legal and Judicial Ethics” na makatutulong bilang gabay sa usapin ng kampanya ng pamahalaang laban sa ilegal na droga.
Sabi ni Judge Pampilo, sa pamamagitan ng aklat na gabay ukol sa batas kontra droga mapalalakas ng mga law enforcement agency ang kanilang mga kaso na kalimitan ay nababasura sa mga husgado dahil sa teknikalidad.
Maiiwasan din aniya dito ang pagkakaroon ng misencounter tulad ng nangyari sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.