1.1-M pang doses ng Pfizer COVID-19 vaccine, inaasahang darating bago matapos ang Mayo
Inanunsiyo ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na mayroon pang 1,100,000 doses ng COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer-BioNtech ang inaasahang darating sa Pilipinas bago matapos ang buwan ng Mayo.
Sa pulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ng kalihim na maliban pa ito sa unang dumating na 193,000 Pfizer vaccines na dumating sa bansa, Lunes ng gabi (May 10).
Maliban dito, asahang darating din aniya ang 500,000 doses ng Sinovac vaccine sa kaparehong buwan.
Nagpapatuloy naman aniya ang negosasyon para sa 2 milyong doses ng Sputnik V vaccine.
Samantala, narito naman ang iniulat ni Galvez na bilang ng mga bakuna na posibleng dumating sa bansa sa buwan ng Hunyo:
– Pfizer-BioNtech (1.1 milyong doses)
– Sinovac (4.5 milyong doses)
– Moderna (250,000 doses – para sa pribadong sektor)
– AstraZeneca (1.3 milyong doses – para sa pribadong sektor)
– Sputnik V (2 milyong doses)
Sakaling matuloy ang iskedyul ng delivery ng mga nasabing bakuna, maaari aniyang umabot sa 20,514,000 ang kabuuang bilang ng natanggap na COVID-19 vaccine ng Pilipinas sa pagtatapos ng Hunyo.
“Ito po, kaya na po nito ang A1, A2, A3.. kaya na po na makuha,” ani Galvez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.