Mabagal na tulong sa mga apektado ng El Niño, binatikos
Marami ang dismayado dahil sa kawalan ng aksyon ni Agriculture Sec. Proceso Alcala para matulungan ang mga magsasakang labis na apektado ng tag-tuyot.
Kinumpirma ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) executive secretary at pinuno ng regional Humanitarian Emergency Action Response Team na si Laisa Alamia, na wala pang pondong ibinibigay sa mga tinamaan ng El Niño sa kanilang rehiyon.
Mula pa aniya noong nakaraang taon, hanggang ngayon, wala pa ring tumutugon sa kanilang request para sa pondo kahit na ilang beses na silang nag-follow up.
Sinisisi ni Alamia si Alcala dahil sa napakabagal na pagbibigay ng pondo para tulungan ang kabuuang 34, 509 na magsasakang apektado nang matuyo ang mahigit 19,000 ektarya ng sakahan sa Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Ani Alamia, hindi niya alam kung ano ang pumipigil kay Alcala na ibigay ang tulong na kailangan ng ARMM.
Noong nakaraang linggo naman, si North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza mismo ang nagsabi na wala pa ring nakakarating na pondo sa kanilang probinsya mula sa pamahalaan na hiningi na niya noon pang Marso.
Matatandaang naging kontrobersyal ang Kidapawan City ay si Mendoza dahil sa mga magsasakang nag-barikada upang umapela ng tulong sa pamahalaan.
Ngunit, nauwi rin lang sa gulo ang pagpo-protesta nila kung saan tatlo ang sinasabing nasawi habang dose-dosena naman ang nasugatan sa panig ng mga magsasaka at mga pulis.
Sa isang pahayag naman, nakiusap na si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Palasyo na ilabas na agad sa mga probinsya ang bilyun-bilyong halaga ng calamity at tinatawag na Quick Response Funds (QRF) para maibsan ang krisis na dulot ng tag-tuyot.
Giit ni Recto, ngayon na ang tamang panahon para ibigay ang tulong sa mga nangangailangan dahil kung ipagpapabukas pa ay baka huli na ang lahat.
Nilinaw rin ng senador na hindi na kailangan pang hintaying mag-deklara lahat ng lalawigan ng state of calamity bago ibaba ang tulong sa mga nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.