Unang araw ng no-contact apprehension policy ng MMDA, mga sasakyang lumabag sa batas trapiko, huli sa CCTV
Sa unang araw ng pagpapatupad ng no-contact apprehension policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), huli sa CCTV ang mga sasakyang lumabag sa batas trapiko.
Alas 10:00 ng umaga pormal na inumpisahan ang pagpapatupad ng no-contact apprehension policy ng MMDA.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, mayroong 250 na mga CCTVs ang nakatalaga sa Metro Manila at daragdagan pa ito ng MMDA sa susunod na mga araw.
Sinabi ni Carlos na bagaman ang ibang CCTV ay kita ng mga motorista, marami sa mga ito ang nasa tagong lokasyon.
Habang kinakapanayam ng Radyo Inquirer si Carlos, sinabi nitong isang bus ag nagbaba sa isang “no unloading” area at nakita ito sa CCTV.
Mayroon ding isang kulay pula na kotse na nakitang pumarada sa isang lugar na mayroong nakasulat na “no parking”.
Ayon kay Carlos, ang kanilang mga monitor sa no-contact apprehension office ay binabantayan ng 15 tauhan ng MMDA.
Ang mga sasakyang makikitang lumalabag sa batas trapiko ay kukuhanan ng larawan sa CCTV monitor para makita ang record nito kabilang na ang plate number o conduction sticker.
Padadalhan sila ng liham tungkol sa paglabag at bibigyan lamang sila ng 5 araw para sagutin ang nasabing paglabag.
Sakaling lumipas na ang 10 araw at wala pa ring tugon mula sa motorista, magpapataw na ng multa ang MMDA at lalabas ito sa susunod na renewal ng registration ng sasakyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.