Duterte: Wala akong pangako ukol sa West Philippine Sea
Walang binibitiwang ano mang pangako noong panahon ng kampanya si Pangulong Rodrigo Duterte na babawiin ang West Philippine Sea sa China.
Ayon sa Pangulo, wala rin siyang binibitawang pangako na ipi-pressure ang China.
Seryoso kasi aniyang usapin ang West Philippine Sea.
Iginiit pa ng Pangulo na kailangan ang diplomatikong pag-uusap.
Ayon sa Pangulo, trabaho na ng Department of Foreign Affairs na makipag-usap sa China kaugnay sa West Philippine Sea.
“I never, never in my campaign as president promised the people that I would retake the West Philippine Sea. I did not promise that I would pressure China. I never mentioned about China and the Philippines in my campaign because that was a very serious matter. We need to have a diplomatic talkatise diyan. Eh hindi ako diyan — nandiyan sa ating Foreign Affairs, trabaho nila ‘yan,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na bagama’t may mga barkong pangdigma ang Pilipinas, mas makabubuti kung manatili muna ang mga ito.
“I never… Kayo, you pretended to work on it. Ako, wala kasi wala naman akong — I never promised anything. Just because I’m President gusto ninyo makipag-away ako. Walang kuwestiyon ‘yan. Maski ngayon mayroon tayong barko diyan ngayon sa ano. Sabi ko stay put kayo,” pahayag ng Pangulo.
Matatandaan na noong 2016 presidential elections, nangako ang Pangulo na magji-jetski siya papuntang boundary ng Spartlys sa West Philippine Sea bitbit ang watawat ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, pupuntahan niya ang airport na itinayo ng China sa reclaimed land at babawiin ito.
Sinabi pa ng Pangulo noon na ambisyon niya ring maging bayani at handing mamatay para mabawi lamang ang teritoryo ng Pilipinas sa China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.