Sen. Lito Lapid nais maamyendahan ang College Education Act
Ipinanukala ni Senator Manuel “Lito” Lapid na mabigyan tulong ang mga estudyante na benepisaryo ng Free Higher Education and Free Technical-Vocational Education and Training (TVET) programs sa ilalim ng Republic Act No. 10931.
Aniya may mga probisyon sa batas para sa mga estudyante na hindi maaring sumailalim sa libreng tertiary education.
Sa Senate Bill No 2141, nais ni Lapid na hindi maipatupad ang mga naturang probisyon sa mga estudyante sa kadahilanan ng kahirapan, kakulangan ng pamamaraan para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, mental health issues, at pagkakasakit kaugnay sa national health emergency.
“Napakahalaga na masiguro natin na kahit sa gitna ng hirap at pagsubok na dulot ng pandemyang ito, dapat na tuloy-tuloy and edukasyon at pag-aaral ng ating mga kabataan lalu’t kasama ang mga nasa kolehiyo. Sa gitna ng problema sa panggastos, kawalan ng trabaho at ang pagtama ng sakit sa pami-pamilya, dapat na siguruhin ng ating gobyerno na tuloy lang ang edukasyon sa ating nakababatang populasyon at hindi mapipilitan bumitaw sa pag-aaral ang mga nasa kolehiyo,” paliwanag pa ng senador.
Diin niya kailangan intindihin ang sitwasyon ng mga mag-aaral at dapat ay gumawa ng paraan para matulungan sila na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral dahil maaring hindi lang ang estudyante ang nahihirapan kundi maging ang kanilang pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.