PH Embassy, tinututukan ng imbestigasyon sa pagkamatay ng Pinoy seaman sa Vanuatu
Mahigpit na tinututukan ng Philippine Embassy sa Australia ang isinasagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang Filipino crew member sa Vanuatu.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima sa isang beach sa Vanuatu.
Ayon kay Ivy Banzon-Abalos, executive director ng DFA strategic communications office, unang napaulat na nawawala ang Filipino crew member sa isang foreign vessel bago umalis sa Vanuatu.
May ilang ulat na nagsabing positibo umano sa COVID-19 ang Pinoy.
Ngunit, ayon kay Abalos, hindi pa sila nakakatanggap ng impormasyon na magkukumpirmang positibo nga sa nakakahawang sakit ang biktima.
Sa pamamagitan ng Philippine Consulate General sa Vanuatu, tiniyak nito na nakikipag-ugnayan ang embahada sa manning agency upang maipaalam sa pamilya ng seaman.
Base aniya sa batas, mandato ng manning agency na siguraduhing maibibigay sa pamilya ang lahat ng benepisyo.
Nakikipag-ugnayan din ang manning agency sa kanilang principal company, at maging sa lokal na kumpanya sa Vanuatu para sa imbestigasyon sa kaso.
Sinabi pa ni Abalos na handa ang embahada na magpaabot ng mga kinakailangang tulong para sa repatriation ng mga labi ng Filipino seaman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.