Download speed para sa fixed broadband internet sa bansa, muling tumaas noong Marso
Muling nakapagtala ng pagtaas sa download speed para sa fixed broadband internet sa Pilipinas noong nakalipas na buwan ng Marso.
Batay ito sa ulat ng Ookla Speedtest Global Index, kung saan naitala ang “highest jump” sa internet speed ng bansa mula nang mag-umpisa ang Duterte administration.
Ayon sa report ng Ookla, 7.79Mbps ang naitalang pagtaas sa internet speed kung saan mula sa 38.46Mbps noong Pebrero ay umakyat sa 46.25Mbps noong Marso.
Katumbas ito ng monthly increase na 20.25 porsyento at 484.70 porsyento increase sa download speed ng bansa kung ikukumpara sa 7.91Mbps noong July 2016.
Ang overall performance naman para sa mobile network ay bahagyang bumaba mula sa 26.24Mbps noong Pebrero sa 25.43Mbps noong Marso.
Sa kabila nito, ang mobile network performance sa bansa ay mataas pa rin ng 241.80 porsyento mula sa 7.44Mbps lamang noong July 2016.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 2020 na pabilisin ang proseso sa aplikasyon ng permit sa mga LGU para sa pagtatayo ng cellular towers.
Simula noon, tumaas ang bilang ng inilalabas na permits mula July 2020 hanggang March 2021.
Maguguntang noong March 8, 20201 ay pormal nang inilunsad ang DITO Telecommunity ang 3rd Telco sa bansa.
Nag-ooperate na ang DITO sa Visayas at Mindanao.
Sa kalagitnaan ng taon, target ng DITO na magkaroon na rin ng operasyon sa Metro Manila.
Dahil dito, inaasahang mas bubuti pa ang internet speed dahil umigting ang telco market competition sa pormal na paglulunsad ng DITO.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.