Gazmin, naghain ng libel case sa usapin ng pagbili ng 21 helicopters
Inireklamo ng libelo ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na dati ring country representative ng kumpanyang nagsu-supply ng helicopter sa AFP.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa akusasyon ni Rhodora Alvarez laban sa Kalihim na nagsabing nakinabang ito sa pagplantsa ng P1.2 bilyong kontrata sa pagbili ng 21 refurbished Huey helicopters noong 2013.
Sa complaint-affidavit ni Gazmin na isinampa nito sa Quezon City Prosecutors Office, iginiit nitong legal lahat ang prosesong pinagdaanan ng pagbili ng DND ng mga naturang helicopter.
Siya pa mismo aniya ang nagpa-imbestiga nang lumutang ang mga balita ngunit walang nakitang iregularidad sa proseso.
Bukod kay Alvarez, kanyang inireklamo rin ng libel sina Thach Hoang Nguyen, agent ng Rice Aircraft and Service INc. (RASI) ng falsification and use of falsified documents.
Ito’y dahil sa pagsusumite ng mga kuwestyunableng mga dokumento sap ag-bid ng RASI at Eagle Copters noong 2013 para sa pagsu-supply ng 21 Huey Helicopters.
Una rito, sinampahan ng plunder ni Alvarez si Gazmin at iba pang personalidad sa Ombudsman ng plunder noong nakaraang buwan dahil sa pagluto umano sa kontrata ng pabili ng 21 Bell UH-1 helicopters na pumabor sa RASI at Eagle Copters kapalit ng 7 porsyentong komisyon.
Gayunman, sa halip na 21, dalawang helicopter lamang ang naideliver sa DND mula sa dalawang supplier dahil may mga problema sa makina ang karamihan sa mga ito.
Napilitan ding kanselahin ng DND ang kontrata dahil sa pagkabigo ng supplier na maideliver ang mga helicopter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.