Pagpatay sa Southern Tagalog labor leader wala pang linaw
Inaalam pa rin ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpatay kay Dandy Miguel sa Calamba City kagabi.
Si Miguel ang vice-chairman ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (Pamantik – KMU).
Siya rin ang pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines sa Laguna.
Nabatid na pauwi na mula sa trabaho si Miguel nang barilin ng walong beses.
Sa inilabas na pahayag ng KMU, sinabi na ang pagpatay sa labor leader ay ang pinakahuling pag-atake sa mga namumuno at miyembro ng mga organisasyon na iniuugnay sa NPA.
“Sinasamantala ng berdugong si Duterte and militaristang lockdown upang ipagpatuloy ang serye ng pagpatay sa mga lider ng mga organisasyong masa. Sa halip na atupagin ng rehimen ang maagap na pagbibigay ng wastong tugon sa pagsirit ng kaso ng COVID at ang pagbibigayan ng ayuda sa naghihirap at nagugutom, binubuhusan nito ng pondo at makinarya ang pagpapatahimik sa mga tagapagtaguyod ng solusyon sa krisis,” ang pahayag pa ng KMU.
Kabilang pa si Miguel sa mga naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights noong Marso 15 kaugnay sa pagkakapatay ng siyam na opisyal at miyembro ng ibat-ibang progresibong grupo sa tinaguriang ‘Bloody Sunday’ may tatlong linggo na ang nakakalipas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.