Guidelines sa pagbibigay ng private sector ng donasyong bakuna sa pamahalaan dapat mapag-aralan
Ipina-re-review ni House Deputy Speaker Benny Abante sa Department of Health (DOH) ang guidelines kaugnay sa pagbibigay ng private corporate sector ng donasyon na COVID-19 vaccines sa pamahalaan.
Ayon kay Abante, mayroong mga ulat na na nakakarating sa kanyang tanggapan na nagba-back out ang ilang mga kumpanya dahil hindi kakayanin lalo na ng mga maliliit ang dagdag na donasyon ng bakuna na hinihingi ng gobyerno kapag bumili sila ng COVID-19 vaccines.
Hiniling ng kongresista sa ahensya na muling mapag-aralan ang alituntunin na nag-o-obliga sa mga kumpanya na magbigay ng suplay mula sa bahagi ng kanilang bibilhing COVID-19 vaccines.
Giit ng mambabatas, maraming mga kumpanya ang umaalma at hindi kakayanin ang additional cost sa procurement ng mga bakuna para ibigay na donasyon.
Ipinaliwanag ni Abante na sapat na sana ang pagkukusa ng mga kumpanya na bakunahan ang kanilang mga empleyado para makatulong sa vaccination campaign ng pamahalaan.
Nais din nito na tingnan ang mga suhestyon na gawing prayoridad ang pamamahagi ng bakuna sa NCR at mga kalapit na lugar habang ang ibang mga medical frontliners sa ibang rehiyon ay posibleng maisantabi lalo pa’t tumataas ng husto ang COVID-19 cases sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.