DOTr inilagay sa full alert para sa mahigpit na quarantine restrictions
By Erwin Aguilon March 23, 2021 - 10:34 AM
Nakalagay na sa full alert status ang lahat ng ahensya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) para sa mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na quarantine restrictions sa tinaguriang NCR plus.
Sa isang virtual press briefing sinabi ni DOTr Undersecretary for Administrative Services Artemio Tuazon Jr., hindi naman ipinagbabawal ang essential road, railway, air, at sea travels pero ipatutupad ang mas mahigpit na health and safety protocols.
Tanging mga authorized persons outside of residences (APORs) aniya ang papayagang makabiyahe mula at papasok ng “NCR Plus.”
Mahigpit din aniya ang kanilang pagpapatupad ng tinaguriang “7 Commandments in Public Transportation” kabilang ang pagsusuot ng facemasks at face shields; pagbabawal sa pakikipag-usap kasama ang pagtawag o pagtanggap ng tawag sa telepono sa loob ng mga pampublikong sasakyan; pagbabawal sa pagkain sa loob ng mga public vehicles; pagkakaroon ng ventilation sa mga PUVs; pagsasagawa ng disinfection; hindi pagsasakay ng mga pasahero na may sintomas ng COVID-19 ; at ang pagkakaroon ng physical distancing.
Sinabi naman ni Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, nagpatupad sila ng mga measures upang matiyak ang ligtas na pagbiyahe tulad ng mga vital infrastructure projects at ang contactless payment in public utility vehicles (PUVs).
Kabilang sa NCR plus ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal na inilagay sa General Community Quarantine mula March 22 hanggang April 4 dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19 cases.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.