14 na ang nasawi sa election-related violence ayon sa CHR
Dalawang buwan matapos magsimula ang campaign period, umabot na sa 14 ang nasawi dahil sa election-related violence.
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), naganap ang mga insidente ng election-related violence at may mga napatay sa Region 1, Region 4A, at Region 9.
Sinabi ito ni CHR chairman Jose Luis Martin Gascon sa isinagawang “Bantay Karapatan sa Halalan” press briefing.
Ayon kay Gascon sa ngayon, nagsasagawa pa ng fact-finding ang CHR pero may inihahanda na silang dalawang kaso na isasampa laban sa mga suspek kabilang dito ang kasong election offense na ihahain nila sa Commission on Elections (Comelec) at kasong kriminal.
May mga namonitor ding karahasang may kaugnayan sa eleksyon ang CHR sa Mindanao at sa CARAGA Region.
“There have also been reported attempted killings, strafing, harassment by armed groups, and the proliferation of loose firearms in areas which include Sorsogon, Zamboanga del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga City and CARAGA,” ani Gascon.
Ayon sa BKH sa 35 insidente ng election-related violence na kanilang naitala, 14 ang naganap bago pa magsimula ang election period noong Enero.
Mayroon namang naitalang 23 biktima na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kabila ng umiiral na gun ban simula pa January 10.
Nakatakdang maglabas ng tatlo pang updates ang CHR kaugnay sa election-relaced violence at ito ay gagawin sa April 18, 25 at sa May 2.
Matapos ang eleksyon ay magkakaroon din ng post-election report ang CHR sa mga maitatala pang karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.