Government assistance sa mga OFWs dapat kasama pati mga undocumented ayon kay VP Binay
Dapat isama ng pamahalaan sa nabibigyan ng tulong ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na undocumented.
Ito ang sinabi ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay, matapos ang pagbisita niya kahapon sa pamilya ng na-repatriate na undocumented OFW galing Saudi Arabia.
Ayon kay Binay, dapat palawigin ang government assistance sa mga OFWs at isama sa mabibigyan ng tulong ang mga Pinoy workers sa ibang bansa na walang dokumento.
Paliwanag ni Binay, kahit sila ay undocumented, OFWs pa rin sila at nakatulong pa rin sa bansa. “Kailangan pang i-widen ang assistance. Ito kasi, kaya walang magawa ang OWWA, undocumented kasi. Hindi ito documented. But the fact is, OFW pa rin. Hindi lang documented. Kailangan magkaroon tayo ng liberality dahil sa kahit na undocumented, nagkapagpapadala naman iyan ng tulong dito,” ayon kay Binay.
Kahapon personal na binisita ni Binay at kinausap si Juanaria Jucutan, misis ng undocumented Overseas Filipino Worker (OFW) na napauwi sa tulong ng Office of the Vice President (OVP).
Si Mario Jucutan ay na-stroke ng ilang beses mula December 2014 habang nasa Saudi Arabia.
Humingi ng tulong si Ginang Juanaria sa tanggapan ng bise presidente para matulungan na makauwi sa bansa ang kaniyang mister.
Nagpapasalamat naman si Ginang Juanaria sa tulong ng OVP dahil nakauwi na ngayon ang kaniyang asawa at nagpapagaling sa kanilang bahay sa North Fairview sa Quezon City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.