2 patay, 3 sugatan dahil sa lasing na driver sa Panglao, Bohol
Dalawang teenager ang nasawi samantalang tatlong iba pa ang nasaktan makaraang mabangga ang mga ito ng van na minamaneho ng isang nakainom na driver sa Panglao, Bohol.
Kinilala ng Panglao Police Station ang mga nasawing biktima na sina Wendy Lusterio, 17-anyos at Mark Anthony Carlang, 15-anyos na residente ng Purok 7, Poblacion, sa Panglao.
Nasugatan naman sanhi ng aksidente ang mga biktimang sina John Anthony Billones 15; Patrideo Hora, 17, at Jerry Mae Bais, 13 anyos.
Ayon sa imbestigasyon, naglalakad na ang mga biktima sa kahabaan ng kalye sa Barangay Looc matapos manood ng ‘live band’ nang mabangga ang mga ito ng Starex van na may plakang JCC-878.
Napag-alaman na lasing ang driver na si Gumamerto Aplacador nang mabangga nito ang mga biktima.
Giit ng driver, hindi niya napansin na kanyang nabangga na ang mga biktima.
Inihahanda na ng mga otoridad ang paghahain ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries laban sa suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.