Human rights groups hiniling ang imbestigasyon sa ‘Bloody Sunday raids’
Nais malinawan ng mga human rights groups ang paggamit ng sobrang puwersa sa ikinasang police operations laban sa mga lider at miyembro ng ibat-ibang militanteng grupo na nag-iwan ng siyam na patay.
Kabilang sa nasawi sa mga operasyon sa Cavite, Laguna, Rizal at Batangas si Emmanuel Asuncion, secretary general ng Bayan sa Cavite at ang mag-asawang Ariel at Chai Evangelista ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan.
Nasawi din sina Mark Lee Bacasno at Melvin Dasigao, kapwa miyembro ng urban poor group na San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan.
“These raids appear to be part of a coordinated plan by the authorities to raid, arrest, and even kill activists in their homes and offices,” sabi ni Human Rights Watch Deputy Asia Director Phil Robertson.
Sinabi pa niya na ang mga pangyayari ay malinaw na bahagi ng brutal na counter-insurgency campaign ng gobyerno.
Dagdag pa niya, hindi na binibigyan kaibahan ng kampaniya kung sino ang mga armadong rebelde, aktibista, labor leaders at rights defenders.
Ikinasa ang operasyon dalawang araw matapos ibahagi ni Pangulong Duterte ang kanyang utos sa mga pulis at sundalo na kapag napa-engkuwentro sa mga rebelde tiyakin na walang iiwanan na buhay sa mga ito.
Sinabi naman ni Calabarzon police director, Brig. Gen. Felipe Natividad ang mga ikinasang operasyon ay pagtalima lang sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Duterte ukol sa ‘whole-of-government approach’ para matapos na ang communist insurgency sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.